Taon ng BEC: Isang simbahan ng pagkakaisa, pakikilahok, at misyon
MANILA, Philippines – Sa pagbubukas ng bagong taon ng liturhiya ng Simbahang Katolika ay inilunsad din ang Taon ng Basic Ecclesiastical Communities (BEC) noong Nobyembre 25, sa Sto. Cristo Parish Church sa lungsod ng San Juan, na pinamunuan ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle sa pamamagitan ng isang banal na misa.
Ang Taon ng Parokya ay siyang ikalimang taon ng preparasyon para sa selebrasyon ng ika-500 taon ng pagkakatatag ng Kristiyanismo sa ating bansa. Layunin ng Taon ng BEC na bigyang-din ang pagiging simbahan ng pagkakaisa ng Simbahang Katolika, na may kaakibat na temang sumesentro sa pagbuo at pagpapatatag ng mga komunidad na nakikilahok sa pagpapalaganap ng mga turo sa Ebanghelyo.
Ang Basic Ecclesiastical Communities (BEC) ay mga mumunting pamayanan sa binubuo ng mga kapitbahayan na nagsasabuhay ng mga aral at turo ng simbahan, nagkakaisa dahil sa Salita ng Diyos at sa Eukaristiya. Ang bawat pamilya ay nagtataglay ng pagmamalasakit, pagtutulungan, may pananagutan sa isa’t isa, at may matatag na espiritwal na pananampalataya bilang mga Katoliko. Matatawag din na parokya ang mga maliliit na komunidad na ito na umuusbong dahil sa pananampalatayang Kristiyano.
Sa kanyang mensahe, iniimbitahan ng Kardinal ang simbahan na makilahok ang lahat sa iasng taong selebrasyong ito.
“Inaanyayahan ko po kayo, hinihimok ko po kayo na makiisa sa paglulunsad ng Taon ng Parokya bilang bukluran ng munting sambayanan, at hindi lamang sa paglulunsad kundi sa lahat ng gampanin sa buong taon.”
Sa pagpasok ng Taon ng Parokya, nawa ay mas mapatatag ng bawat pamilyang Katoliko ang pagsasabuhay sa turo ng simbahan, dahil ang mga komunidad na ito, gaano man kaliit, ay siyang magsisilbing asin, ilaw, at lebadura ng Simbahang Katolika sa mga darating pang henerasyon.
Jessica Racquel Santillan
A published written article in Katiwala, the official newsletter of San Roque Parish Church.