ikaw at ako

pababa na ang sikat ng araw at malalim ang hugot ng mga magkakadikit na anino. ang mundo nila’y nakakulong sa isang bulabok at parang inilublob sa pulot.

tahimik at payapa sa gitna ng bisig ng kanyang minamahal.

malayo ang nilakbay ni donghyuck, tumawid sa ibayo ng malalayong lupain, oras, at dagat.

habang nakahiga sa matatag na hita ng minamahal, isang buntong-hininga ang pinakawalan ni sybill. taon at buwan ang kanilang hinintay para sa natatanging sandaling ito.

hinaplos ni donghyuck ang buhok ni sybill at napangiti ito. ang bawat galaw ay pinaka-iingatan, ikinukubli sa sarili at ayaw nang pakawalan pa.

“hanggang kailan ka dito?” tanong ng isa.

isang marahan na tawa ang isinagot ni donghyuck. “may oras pa tayo. gusto mo na ba akong umalis agad?”

inilatag ni sybill ang paa niya sa sopa at inirapan si donghyuck. “pwede ka namang umalis na kung gusto mo. tahimik dito, kaya dito lang ako.”

“ahh, kung sa bagay nga naman. dito na lang siguro ako titira.”

napatingin si sybill sa kanya. parang tumama ang araw sa mukha ni donghyuck — halos nakasisilaw kung tititigan. “anong ibig mong sabihin? hindi ka na aalis?”

parang isang alaalang maglalaho na lang sa hangin ang sandaling iyon kung hihinga nang mali si sybill.

“hindi. dito lang ako, kung gugustuhin mo.”

ang mga pintig ng kanilang mga puso ay nagsimulang tumugma sa isa’t isa.

“dito ka lang. ayokong umalis ka pa.”